Wednesday, October 27, 2010

Wasted

    Ramdam ko ang mainit at malakas na hagod ng alak habang dumadaloy ito sa aking lalamunan. Ramdam ko ang unti unting pag-ikot ng kapaligiran. Sa saliw ng nakakabingi ngunit masarap sa tenga na musika, umiindak ang aking buong kalamnan. Ngarag pati ang aking kaluluwa. Sa mga ilaw na nagkikislapan, wari ko'y ako'y nasa isang digmaan. Isang pakikibaka kung saan nag-aagaw sa aking isipan kung ang ginagawa ko ba'y alinsunod pa ba sa pangaral ng aking mga magulang. Ngunit lahat ng inhibitasyon ko'y nawala. Sampak sa langit ang aking pagwawala. Pakiramdam ko hawak ko ang mundo, umiikot sa palad ko. 

     Lagok lang ng lagok. Sayaw dito, sayaw doon. Iba't-ibang mukha ang sa akin ay humaharap. Wala akong pakialam, kampon ka man ng kadiliman. Sa aking paggiling, isang anyo ang sa akin ay tumawag pansin. Sa akin ito'y unti-unting lumalapit, hanggang ang katawan namin ay nagdikit. Ako'y di makapaniwala na sa gitna ng nagwawalang madla, ako pa ang kanyang napuna. Sa bawat indayog ng kanyang beywang, kaluluwa ko'y gusto ng mag-alsa balutan. "'tang ina! Ang sarap mong balahurain!", ang sigaw ng aking isipan. Sa konting liwanag na bigay ng mapaglinlang ilaw, pilit kong inaaninag nag kanyang mukha. Sa angkin niyang kagandahan, mata ko'y muntikan ng lumuwa. Kahit sabihin na ako ay lasing, ngunit ang mga mata ko'y hindi nagsisinungaling.

     Tuluyan ng nilason ng hinayupak na alak ang munti kong utak. Wala na akong ibang pakialam kundi ang munting nilalang na nasa aking harapan. Habang binabasag ng musika ang aming tenga, ang prensensya niya sa akin ay parang droga. Aming binabaybay ang daan patungo sa kalangitan. Ang bawat patak ng kanang pawis sa aking katawan, ay parang gasolina sa nagliliyab kong nararamdaman. Hindi ko na mawari kung ano sa akin ang nagpapainit, ang alak, ang usok, ang sikip o ang pagpaparaya niya sa aking kamay na malayang naglalakbay sa mapangahas niyang katawan. Kung ano man diyan, eh, wala na akong pakialam. Ilang tugtugin pa ang nagdaan, laman niya pa rin ay aking ramdam. Lahat ng pag-alinlangan ay akin ng binitiwan at sa kanya ay sumama patungo  sa kaparurukan.

     Sa aking paggising kinabukasan, sakit sa ulo at hilab sa tiyan ang aking nakamtan. Oh alak na nakakabuwang, ano itong sa aki'y iyong pinaramdam? Hindi ko alam. Ngunit isa lang sa akin ang hindi maalis- alis, ang ngiti sa aking labi na walang kapares. Shit!

No comments:

Post a Comment